Friday, June 22, 2007

Mga anghel ng lansangan


Kung ang mga anghel
Ay may kanya-kanyang awit
Bakit tila iba ang aking naririnig
Na namumutawi sa mga bibig
Ng mga mumunting pipit
Na sa mga lansanga’y umangkin
Upang doo’y kanilang iparinig
Handog na mga awitin
Sa sinumang nais makinig?

‘Di ba sila’y mga anghel din
Na pinili lamang tiklopin
Ipinagkaloob sa kanilang mga pakpak
At sa lupa pinili nilang manirahan
Upang kanilang awitan
Mga may mabibigat na pasanin
Nang kahit kaunti man lamang
Maibsan pighati ng mundo
Na tila ba wala nang katapusan?

Ngunit bakit tila sa kanilang balikat
Bumagsak dalahing mabibigat
Kung kaya’t sila ang naging tagabuhat
Pighating balak sana nilang ibsan
Paghihirap na sana’y kanilang bawasan
Kung kaya’t tayong mapapalad
Mga dalahin natin ngayo’y magaan
Ngunit bakit bukas nilang mga palad, ni lingon
Di man lang natin magawang tapunan?

Dahil ba tayo’y tayo, at sila’y sila
Mga tunog nating pinakikinggan
At awitin nila’y magkaiba?
Ang musikang sana’y handog
Ninakaw pa sa kanila
Malalamyos na mga munting tinig
Namaos, ngayo’y ‘di na halos marinig
Anghel na aaliw sa atin, nangapagod na
Sino’ng magpapawi hinagpis nila?


Sherma E. Benosa
June 21, 2007
12:13am

No comments: